Bakit sa tagal tagal ko ng nabubuhay sa mundong ibabaw ay hindi ko pa rin maramdam na masaya ako sa buhay ko. Hindi naman kami ganun kayaman para masunod ang luho pero nabibili ko naman ang gusto ko. Naniniwala kasi ako na magkaiba ang luho sa gusto. Pero di bale hindi lang naman tungkol sa luho at gusto ang nais ko ng iparating. Eto talaga yun pramis!
Maraming tao lalong lalo na sa Pinas ang gustong makapunta sa Amerika, sabi kasi nila maganda daw ang oportunidad doon, kikita ka ng maraming pera, makakabingwit ng kanong mayaman at kung anu ano pa.
Aaminin ko isa ako sa maraming pinoy na gustong makapunta ng Amerika, nagsimula yun ng iwan ako ng mama ko sa Pinas para mabigyan ako ng magandang kinabukasan. Naiintindihan ko kung bakit niya kaylangang magtungo papuntang Amerika, anu pa nga ba kung di siguraduhin ang magiging kinabukasan ko. Ang kinalulungkot ko lang ay yung hindi niya nasubaybayan ang paglaki ko. Umalis kasi siya nung grade 5 pa lang ako, neneng nene pa ako nun. Kung baga yung mga sumunod na taon ang pinaka importante sana ng paglaki ko bilang isang babae na hindi naman niya nakita.
Limang taon siyang hindi bumalik ng Pinas, minsan nga iniisip ko kung bakit ayaw niyang umuwi. At may mga panahong hindi mo maiiwasang maiyak dahil ang mismong nanay mo ay hindi nakarating sa graduation mo ng elementary at highschool. Masakit yun para sakin lalo na’t nag iisa lang akong anak. Halos durugin ang puso ko sa sakit(ouchhh!).
At dahil sa naging matapang ako at positibo sa buhay, nakayanan ko lahat yun. Kahit papano naging masaya ako kahit hindi ko kapiling ang mama ko, sa madaling salita, bigla ko na lang natanggap ang lahat ng walang pag aalinlangan.
Dahil malayo ang mama ko sakin mas nabuhos ko ang pagmamahal ko sa mga kaibigan at sa tita ko na siyang nagalaga sa akin. Masaya ako dahil nabigyan ako ng mga makukulit at malulufet na kaibigan. Nawala na yung pangarap ko na maka punta ng Amerika dahil naisip ko na sobra saya palang mamuhay sa Pinas lalo na’t marami kang kaibigan laging nandyan para sayo.
Hindi ko akalaing inasikaso na pala ng mama ko ang mga papeles ko papuntang Amerika. Halos wala ako sa ulirat nung interview ko sa US Embassy dahil hindi ako makapaniwala na may pagkakataon na pala akong makapunta ng Amerika. Hindi ako natuwa, nalungkot pa nga ako ng matanggap ko yung visa ko. Siguro kung iba pa yun nagtatalon na sila sa sobrang tuwa pero ako parang ayaw tanggapin ng kamay ko yung visa nung iabot sakin nung mamang taga deliver.
Hindi ako makaiyak nung mga panahong iyon, dahil halos lahat sila masaya para sakin at sinasabi nilang napaka swerte ko daw dahil hindi biro ang mabigyan ng ganitong klase ng oportunidad. Lahat ng iyak ko naipon sa loob, mahirap, masakit hindi ko mapakita sa kanila kung ano ba talagang nararamdaman ko nung mga panahong iyon dahil narin siguro sa ayokong ma disappoint sila sakin. Baka sbihin pa nilang tumatanggi ako sa grasya.
Ang punto ko naman kasi, Kung kaylan naman ako naging masaya at kuntento sa buhay ko sa Pinas saka naman dumating yung panahon na kaylangan kong iwan ang bansang napamahal na sakin ng sobra. Iniisip ko nga minsan na kahit sobrang hirap mamuhay sa Pinas dahil sa mainit, mahal ang bilihin, talamak ang krimen etc etc, bakit hindi ko minsan maramdam lahat ng hirap sa bansa natin? Dahil narin siguro ay sanay na tayong mga Pilipino sa paghihirap minsan nga ay nakuha pa nating tumawa kahit kapos at hirap na tayo sa buhay. Doon ako bumilib sa mga Pinoy, napaka positibo sa buhay!
Ngayon nandito na ako sa bansang pinapangarap ng maraming tao, sinasabi ko sa inyo malungkot at mahirap din ang buhay dito. May parte sa buhay ko ngayon na masaya dahil kapiling ko na ang mama ko pero hindi sapat yun para punan lahat ng kalungkutang nararamdaman ko sa buhay ko ngayon. Gaya nga ng sabi ng iba sa akin: “Onting tiis lang”. Oo titiisin ko at alam ko namang kakayanin ko to, kaylangan ko lang sigurong magsakripisyo pansamantala. Oo nga mabibili ko lahat ng gusto ko pero hindi mabibili ng mga dolyares ang kaligayahan ko. Kaligayahan na tanging sa Pinas ko lang matatagpuan…
Agosto 29, 2007
Mga kategorya: mga ka dramahan, pinay, pinoy, taung lahat, unfortunato . . May-akda: brath . Comments: 18 mga puna